Friday, April 24, 2009

Oda sa Pag-Ibig

Sa isang hapong hindi mo malilimutan
darating siya sa iyong bahay at uupo sa hapag-kainan.
Unti-unti, magkakaroon siya ng pwesto sa bawat kwarto,
at sa mga pader at kasangkapa'y mag-iiwan siya ng mga bakas,
pati ang iyong kama'y kanyang guguluhin, at gagawa ng uka ang kanyang ulo sa iyong unan.
Ang mga libro sa lalagyan, ang mahahalagang pakiramdam ng mga taon
ay magkakaroon ng bagong sisidlan ayon sa kanyang panlasa,
at ang mga lumang larawan, malilipat mula rito papunta doon.
Titingnan ng ibang mga mata ang iyong mga gawain,
ang iyong pagparoo't parito sa pagitan ng mga dingding at yakap,
at ang pang-araw araw na ingay at amoy ay mag-iiba.
Sa isa sa mga hapong ito na 'di mo malilumutan
siya na gumulo sa iyong bahay at tumira sa iyong mga bagay-bagay
ay lalabas sa pintuan nang hindi man lamang nagpapaalam.
At kailangan mo na naman ayusin ang iyong bahay,
ibabalik ang mga kasangkapan sa dating ayos, lilinisin ang mga pader,
papalitan ang susian, pupunitin ang mga bagong larawan,
wawalisin ang lahat para lamang maipagpatuloy ang sarili mong buhay.


salin ng "Ode to Love" ni Maria Mercedes Carranza

No comments:

Post a Comment